Almost eight years na ang lumilipas simula noong nawala ka. Grabe nga eh. Ang dami kong napagdaanan at marami ang nagbago sa akin sa eight years na iyon. Ang hirap mawalan ng tatay..lalo na kung nawala siya na ikaw ay bata pa lang.
Naaalala ko... nung nabalitaan ko kay mama na namatay ka... Hindi man lang ako naiyak... Kung naiyak man ako noon, iyon ay dahil ang mga taong nakapaligid sa akin ay nag-iiyakan. Noon ngang ililibing ka na, eh hindi rin ako umiyak. Alam mo kung bakit? Kasi, sa maikling panahon lang kita nakasama. Tapos, sobrang bata ko pa kaya hindi ko pa masyadong naintindihan...
Nakaka-miss yung mga panahong nanonood lang tayo ng tv sa bahay (yun ang bonding moments natin). Nung isang birthday ko nga, eh nagtext ka ng birthday greeting sa NET25. Sabi mo pa sa akin, "hala! yari ka..may bayad yan..", habang itinuturo mo yung tv screen... Nung isang birthday ko naman, na-surprise ako kasi dinalhan mo ng tig-isang cake roll ang dalawang teachers ko sa Grade IV. *hindi ko alam na iyon na pala ang huling pagkakataon na magse-celebrate ako ng birthday ko na kasama ka.
Sa loob ng eight years, nahirapan akong mag-adjust sa pagkawala mo. Wala nang tutulong sa akin sa paggawa ng mga projects (busy kasi si mama sa pagtatrabaho). Wala nang magpapatahan sa akin kapag umiiyak ako. Wala na kaming tatay na mag-aalaga sa amin at gagabay sa aming paglaki.
Ngayong 18 years old na ako, ngayon ko lang naintindihan na talagang mahalaga ang ginagampanang papel ng isang tatay sa isang pamilya. Ngayon lang din kita nami-miss. Naiinggit nga ako sa mga college classmates ko kasi sila may nanay at tatay, samantalang ako, nawalan na ng tatay.
Papa, sorry kung hindi ako nakakapag-concentrate sa aking pag-aaral. Hindi ko maipapangako na tuluyan akong magbabago. Susubukan kong maibalik ang aking enthusiasm sa pag-aaral. At kahit sobrang inggit na inggit ako sa mga estudyanteng may BF/GF, hindi ko sila tutularan at sisikapin ko na makapagtapos ng pag-aaral na hindi nagkaka-boyfriend.

